Sibul Springs

(Náglahong Luningning)

(may akdâ)


Itóng aking buhay, ngayó'y isásaysay,
kung saán lumakî't, kung saán nág-aral,
kung saán nagisíng sa katotohanan,
mga nagíng guró't, saká paaralan.

Sa baryo ng Sibul ako isinilang,
sakóp ng San Miguel, maliít na bayan,
hilagang Maynila, probinsiya'y Bulacán,
dáanan ay Camias, tungong silanganan.

Itóng aming nayo'y napápaligiran,
ng Yungíb Ng Madlúm sa dakong silangan,
sa gawíng hilaga'y Malapad Na Parang,
Bándang at Tutulò, ilog sa kanluran.

Malapad Na Parang, malakíng tumana,
taniman ng maís, na kamánghâ-mánghâ,
ditò'y nagdádamó, salubungán pa ngâ,
uno singkwenta lang, 'sáng araw na gawâ.

May Russel na kampo ditò noóng araw,
kung minsa'y may sine pálibre sa bayan,
itó'y nagíng sikát dahil sa sabungán,
dahil rin sa guló, na ditò'y nágdaán.

Ang baryo ng Sibul ay binúbukalán,
ng tubig na amóy asupreng masángsáng,
sáng-ayon sa siná-unang kasabihán,
Bukal Ng Matanda ay kan'yáng kákambál.

Magandang piknikan, popular na lugar,
meron itóng resort, banyong paliguán,
ang tubig na gamit ay galing sa bukál,
maganda raw itó, gamót sa katawán.

Minsa'y may okasyon, nághandâ sa kiosko,
tao'y nágsayawan, nágkantahan ditò,
may combong dumating, silá'y imbitado,
itóng mga Tayag, ang nágbayad nitó.

Mayroon din kamî ritong dispensary,
may doktor at nurses ditò'ng nagsisilbi,
at kung magká-minsan itó ay library.
malaki ang tulong nitó sa marami,

May Mactan Brewery na natátandaán,
ito ay malapit sa kantong pasyalan,
págdatíng ng gabî itó ay sinehán,
mayroon din itóng kiskisan ng palay.

Ang location shooting ng Dugo At Luha,
ay kay Aling Dengdeng sa kanto ginawâ,
Rogelio Dela Rosa, paborito ng madla,
na magíng presidente nitóng ináng bansa.

at kumámpanya na ang ináasahan,
na siyáng mamúmuno sa'ming ináng bayan,
ngunit isáng araw, bago mág-botohán,
ay biglang umatras, anó ang dahilan?

Si Bentot at Pugo nag-shooting rin ditò,
sa Hacienda Tayag sa may campo santo,
kung galing ng bayan, lagpas ng Tartaro,
ngayo'y Campo Tecson ng mga sundalo.

Rosemarie Sonora ay naging sagala,
kapatid ni Susan, sikat na artista,
sa'ming Santacrusan, siyá ay kinuha,
nitóng mga Davíd, para magíng Reyna.

Ang baryo ng Sibul ay maraming lugar,
Hulo, Amoroso, Kanto at Luwasan,
sa dulong silangan ay ang eskwelahan,
Russel sa ibaba, kay Flavio ang daan.

Kung mahál na araw mayroong pabasa,
ang nagsásaguta'y binata't dalaga,
may libreng págkain, mamimili ka pa,
isang Linggong singkád, busog patî matâ.

At kung dumárating ang pistá ng nayon,
mga mamámayan ditò'y nagtítipon,
pináplano nilá'ng mga nilálayon,
linisin ang bisita at pintahán iyón.

Sa gitnâ ng bukid ay may palo sebo,
mga umáakyat ay may daláng abó,
haráp ng bisita ay may beto-beto,
kung sinúswerte pa ay mayroong sirko.

Ang mga musiko ay pumáparada,
mayroong majorette na nagsasayaw pa,
pilantik ng batón, tiyák háhanga ka,
lantik ng daliri ay napakáganda.

Sa gabî'y mayroong zarzuela sa bukid,
entabladong gamit ay galing kay David,
may laró sa araw kahit na mainit,
itong kasayahan ay nakaí-inggit.

At kung magpápasko'y may misa de gallo,
ang mga magkasi'y ditò nagtútungo,
siyam na gabing misa, kanilang pináplano,
kung pa'nong mágtana't lumagáy sa guló.

Kay gandáng balikán nitóng nakaraán,
dalawáng piso mó, katumbas ay dolyar,
tatlong bote ng beer, halagá’y piso lang,
at uno noventa, karne norteng ulam.

Sabado at Linggó’y nagsísipáglaro,
ang mga eskuwelang nalayó sa guró,
silá’y naú-umpók, mandí’y pulô-pulô,
namúmukod tangì ang mga pinuno.

Liwanag ng buwán ang nagiging ilaw,
mágkabiláng panig, patintero'ng laban,
harangán ng tagâ ang magká-kalaban,
mga kabataa’y nagká-katuwaan.

Sa dilím ng gabî'y may nagbúbulungan,
mga namámasyal na mágkasintahan,
silá'y nagtátago sa mga magulang,
na hindî sáng-ayon sa pág-íibigan.

Kung alas sais na, orasyon na naman,
tunóg ng kampana, ang mapápakinggan,
Lundagin Mo Baby, kanilang libangan,
Johnny De Leon at Ngongo ang kinatútuwaan.

Itóng DZRH istasyon ng radyo,
ang mga programa'y gustô ng publikó,
itó'y paborito nitóng buóng baryo,
brodkas sa Adwana, Intramuros mismo.

Kung Biyernes ng gabî, ay nasá tindahan,
Mga Kuwento Ni Lola Basyang, ang pinakíkinggan,
silá ay tahimik at waláng imikan,
Totoy, huwag máglikót, seryosong usapan.

Ang Gabî Ng Lagím, isá pang programa,
si Ben David naman ang nakákasama,
kung matátakutin, huwag ng mágpakita,
baka atakihin, magkásakít ka pa.

Kung minsa’y may Cortál ditòng gumágala,
itóng buóng baryo ay nangatútuwâ,
lahát nalílipon, bata at matanda,
ang libreng palabas, ang siyáng ninánasâ.

Tunay na masayá ang buhay ng tao,
lahát nakángití pagkát may trabaho,
minsa'y namámasyal sa may Biák Na Batô,
silá'y namímitas ng Macopà rito.

At kung magká-minsan, silá'y nagtútungo,
sa ilog ng Madlum kahit na malayo,
kung nalálayuan naman ang kasuyo,
sa malapit na lang, ilog ng Tútulo.

Kung sasariwain ang napágdaanan,
kay lungkot at saya, kung pagíisipan,
ang buhay sa Sibul, nayong sinilangan,
mamámayan ditò’y maluwag ang buhay,

Tandáng-tandá ko pa itóng kabataan,
ni waláng hinagap sa patútunguhan,
ditò po lumakî, ditò rin nág-aral,
sa’ming nag-íisang munting paaralan.

Si Mr. Bautista at Mr. Argenal,
Mrs. Dela Concha at Miss Sta Ana,
Miss Herminia Dazon, kayo'y ala-ala,
kayó ang nágturong sumula't bumasa.

Kayó ang nagbigay sa'min ng patnubay,
aming natutuhan ang magandang asal,
ito ang ginamit naming panánggalang,
ng kami’y lumayó’t nakipágsapalaran.

Kahit munti lamang itong eskwelahan,
kamí ay masayá sa'ming pag-áaral,
kapág na dismiss ná't oras ng labasan,
itong Villa Lucing ang dináraanan,

Malaki 'tong bahay, lawak ng bakuran,
lalagpas ng konti ditò sa tindahan,
ni Mr Bautista't Dela Cruz na bahay,
at saká líliko papuntá ng kanan.

Kahit natátakot, ditò tumátawid,
marami 'tong prutas na naglawit lawit,
mangga at sampalok, kahit mali-liit,
at mga kaymitong pagka tamis-tamis.

At kung minsan namán kamí'y bumábabâ,
tambakan ng kusot, aming sinúsugbâ,
sa tapát ng bakuran ni Mactan, dito'y kumákanan,
bago dumatíng, ang kay Tecson'g bahay.

Nana Ebang Abolencia ang aming daanan,
at Tata Canor Lucas, pagitan ng bahay,
ditò ko nagisnan ang aming tahanan,
noóng maliít pa't, dal'wang taóng gulang.

May isá páng daán na may kalayuan,
íikot sa kanto, kay Nonoy na tindahan,
patungóng Amoroso, duón ay kákanan,
lálagpás kay David, na isáng lagarián.

Kung gustóng makita ang mga nínunò,
dumáraán akó sa may dakong Hulò,
magmámano kay Andang Cion, at kay Ingkong Tino,
sakâ bábabá ng Amoroso, na maligaya ang pusò.

Simbahang malaki ay nasa Luwasan,
kung araw ng Linggo, ditò ang puntahan,
bisitang maliit ay pinagmimisahan,
kung meron lang piyesta't mga kasayahan.

Ang bisitang itó'y nasa Amoroso,
independent church, pero Katoliko,
Gregorio Aglipay ang unang Obispo,
mga sumásamba ay Aglipayano,

Halos lahát ditò ay may hanapbuhay,
mayroong tatlong sawmill na pinagkíkitaan,
ngunit ng masara, dahil sa pag-baha,
mga mamamaya’y nagmukhang kawawa.

Ng bigláng magalit itóng kalíkasan,
lubóg ang Maynila, salantâ ang Bulacán,
nánggaling ang túbig ditò sa Angat Dam,
mga mamámayá'y, waláng másulingan.

Pág-putol ng kahoy ay ipinágbawal,
nitóng si Mercado, Bulacán Congressman,
ditò na nawalâ ang pinágkakákitaan,
mga tagá Sibul, lumungkot ang buhay.

Dapat bang sisihín si Congressman Roning,
nung unang panahon, wala pang climate change?
nawaláng ligaya, náglahong luningning,
kapós kapalaran, itóng Sibul Springs.

Sana'y mahalín n'yo ang kasalukuyan,
dî na magbábalík panahóng nágdaán,
nawaláng sandalí'y náglaho ng tunay,
ni sa guní-guní'y dî na makákamtán.

Itóng aking kathá'y galing sa gunitá,
isinama'y tamís, bulaklak ng diwâ,
kayó nang bahala, kayó ng mágtama,
kung nagkámalî má'y patawarin nawâ.